Kultural at Historikal na Ugat ng Dinastiyang Politikal
Prof. Fe B. Mangahas
Ayon sa resulta ng ating mga eleksyon, may iilang pamilya lamang ang tunay na namumuno sa ating bansa. Bihira sa mga nahahalal ang hindi mayayaman at hindi magkakapamilya ng sabaysabay o palit-palitan ng mga puwesto sa gobyerno. Ito ang mga pamilyang tinaguriang “dinastiyang politikal” (political dynasty) tulad ng mga Marcos, Aquino, Macapagal, Estrada, Binay, Osmeña, Duterte at iba pa. Sa mga political scientists, ito ang isang pangunahing dahilan ng kahirapan at kawalang kaunlaran ng bansa. Sa kabila ng ating pagiging demokrasya, bakit ganito ang karakter ng ating pamahalaan mula Presidente hanggang sa lokal na pamahalaan? Lahat halos ng mga posisyong matataas sa gobyerno ang pinamumugaran ng mga dinastiyang politikal.
Para sa mga historyador, mahaba at malalim ang ugat ng ganitong problema. May kinalaman dito ang malalaking pagbabago sa ating sinaunang kultura at lipunan. Bago tayo nasakop ng kolonyalistang Espanyol, ang Kapuluan ay nahahati sa maliliit na barangay na may kanya-kanyang pinuno – ang datu o lakan. Dahil sistemang komunal ang lipunan noon, wala sino man ang nagmamay-ari ng malalaking lupain. Bawat pamilya ay mayroon lamang lupa na kinatatayuan ng kanyang bahay at lugar para magtanim ng palay, gulay, prutas, mag-alaga ng mga hayop at para sa palaisdaan. Ang iba pang likas yaman tulad ng lawa, ilog, karagatan, gubat at kabundukan ay walang may-ari upang pakinabangan ng lahat. Ang dato o lakan ang siyang tagapamahala ng kabuhayan, kaayusan at katahimikan ng barangay. Siya ay pinipili ng isang lupon ng mga nakatatanda na makaranasan at ginagalang sa loob ng isang kapulungan (Council of Elders). Ang datu o lakan ay pinipili batay sa mga sumusunod na katangian: may talino, tapang, kakayahan, at katapatan para makapaglingkod sa pangkalahatang ginhawa. Masasabing malaya at maunlad ang pamumuhay noon. Kung may hindi pagkakasundo na maaaring humantong sa away o labanan, ito’y nilulutas sa pamamagitan ng “bodong” o pulong pangkapayapaan (peace pact) sa loob ng Kapulungan ng mga Nakatatanda (Council of Elders). Ang datu o lakan ay mahirap maging makapangyarihan o pinakamayaman sa ganitong uri ng lipunan. Kahit na siya ang tagapamahala ng produksiyon ng pagkain at pangangalakal sa loob at ibayong dagat, at samakatuwid ay may higit na parte o kinikita, siya naman bilang datu ang may tungkuling sagutin ang pangangailangan ng buong barangay sa panahong may lindol, bagyo, epidemya o digmaan. Kaya naman, ang datu bilang pinuno ay mahirap maging isang hari-harian na may higit na kapangyarihan nang dahil sa yaman.
Nang sakupin ng mga kolonyalistang Espanyol ang Kapuluan, nabago ang ganitong kaayusang panlipunan, gayon din ang uri ng ekonomiya at pamunuan o pamamahala ng mga barangay. Gamit ang negosasyon sa simula, nang lumaban ang mga mamamayan, nauwi ito sa labanan ng mga Kastila at katutubo. Subalit madaling napayapa ang mga ito dahil sa Kristiyanismo at sa naging pakikitungo ng mga datu sa mga Espanyol, Binigyan ang mga datu at lakan ng lupain at tirahan malapit sa sentro ng pamahalaang Espanyol. Dito ay naging katulong sila sa pamamahala bilang mga cabeza de barangay na may kaparte sa buwis na kinokolekta ng pamahalaang Espanyol. Samantala ang dati nilang sakop na mga ordinaryong mamamayan ay nawalan ng lupaing sinasaka at naging manggagawa sa mga hacienda ng mga opisyal na Espanyol at ng mga prayle. Bagamat may bayad na hindi naman sapat sa kanilang pangangailangan, inobliga sila sa paggawa ng mga kalsada, tulay, kuwartel militar, simbahan, kumbento at iba pang mga gusaling pampamahalaan. Ang mga dati nilang pinuno na naging cabeza de barangay ay may karagdagang pang mga pribilehiyo – ang makasalamuha sa mga okasyong panglipunan o pagdiriwang ng mga gobernadorcillo, alkalde mayor, at mga prayle. Sa panahong ito, malaki na ang ipinagbago sa relasyon ng mga datu at kanilang mga sakop. May mga datu pa nga na naging mga inquilino (taga-renta) ng mga haciendang pag-aari mga prayle, at umangat ang kabuhayan nila. Mula sa mga pamilyang ito marami ang mga nakapag-aral at nagtapos sa mataas na pamantasan sa Filipinas at sa Europa. Mula rin sa grupong ito nanggaling ang marami sa mga namuno sa Kilusang Propaganda tulad nina Rizal, Marcelo H. del Pilar, Antonio Luna, etc. — hanggang naging kasama sila sa Himagsikang 1896 nina Bonifacio Jacinto, Mabini, Aguinaldo, at iba pa.
Nanalo man ang mga Filipino laban sa mga Espanyol, sinakop naman ng Estados Unidos ng Amerika ang bansa. Higit na malupit ang naging Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1902), Halos 600,000 Filipino ang namatay sa digmaang ito hindi dahil sa labanang komensyunal (field battles), kundi dahil sa paggamit ng mga Amerikano ng isang taktika para sugpuin ang matagumpay na labanang gerilya ng mga Filipino. Sa labanang gerilya mahirap tukuyin ang mga mandirigmang Filipino na kabisado kung saang lugar maaaring magtago at mula dito ay gulatin ang Hukbong Amerikano na sanay lamang sa labanang harapan.
Sa naturang uri ng taktika na tinaguriang “Indian Warfare,” pinatay ng mga Amerikano ang mga vaca (cattle) ng mga Indians para gutumin sila at alisan ng mga iba pang pangangailangan. Ganito rin ang ginawa ng mga Amerikano sa Filipinas. Pinatay nila ang mga kalabaw na pinalabas nilang salot o epidemya ang dahilan. Nahirapan ang mga tao na magtanim ng palay. Nagtaggutom at itinigil ng mamamayan ang lihim nilang suporta sa mga mandirigmang Filipino. Dahil dito napilitang sumuko ang Rebolusyunaryong Hukbo ng mga Filipino.*
Ginawa rin ng mga Amerikano bilang katuwang ang mga naging mga opisyal na mga Filipino sa pamahalaang Espanyol. Dahil dito naging mapayapa ang kanilang pamamahala. Binigyan din nila ng mga lupain at negosyo mga Filipinong opisyal sa ilalim ng kanilang pamahalaan. Ang mga ganitoring uri ng mga Filipino ang magiging mga opisyal ng Republika ng Pilipinas mula 1946 hanggang sa kasalukuyan. Laging mula sa mga maykaya at may mataas na edukasyon ang nagiging matataas na pinuno ng bansa — dahil sa suporta ng kapwa nila maykaya at mga banyagang namumuhunan sa bansa. Bukod pa rito, nariyan ang maraming mga mahihirap na bumubuto sa kanila sa paniniwalang matutulungnan sila kahit na papaano. Ito naman ang ginagawa ng mga kandidato sa panahon ng kampanya at eleksyon. Sa ganitong realidad ng ating lipunan na nahahati sa mga may yaman at edukasyon sa isang dako, at mga di-gaanong nakapag-aral at mahihirap sa kabilang panig, madaling mamugad at lumago ang mga dinastiyang politikal. Marahil, isa pang henerasyon o higit pa ang kinakailangan para magkaroon tayo ng mga lider at mamboboto na may kamalayang baguhin ang sistemang ito ng “hangal sa halalan” sa pamumuno ng tila walang kamatayang dinastiyang politikal.